tensyonadong kagabi..
Tandang tanda ko pa nuong bata pa kaming magkakapatid. takot na takot kami sa aming itay. masyado kasing istrikto at madisiplina itong si adriano. nuon hindi kami naging malapit sa kanya, hindi tuwa bagkus kaba ang aming nararamdaman tuwing siya ay uuwi galing sa pagmemekaniko. kung ang mga karaniwang mga bata nuon ay sabik na sabik sa pagdating ng kanilang tatay dahil sa may dala itong siopao o kaya naman cloud 9 para sa kanila pagka galing sa trabaho, kami naman ay kabaligtaran. hindi lang minsan na nahuli ko ang aking sarili na nakatingin sa labas ng aming kubo at iniisip na sana gabi na umuwi si itay ng sa gayon tulog na ako o kaya naman ay huwag na itong umuwi. ganon ako kahintatakot sa aking ama nuon. hindi lang minsan kong naramdamang namanhid ang aking mukha sa malalakas na sapok na dumampi sa akin sa aking murang edad. hindi lang minsang nanginig ang aking puwit sa sakit ng palo ng isang malapad na kamagong at hindi lang minsan akong napapatalon sa tuwing mararamdaman ko ang sinturon na lumalatay sa aking katawan. hindi lang minsan..
ganito mag disiplina ang aking ama. kaya naman marinig pa lang namin na tumaas ang boses niya ay halos maihi na kami sa aming salawal lalo na pag narinig namin ang kanyang paboritong salita..--- ang "PUNYETA!".. kaya siguro hanggang ngayon ayaw na ayaw ko itong naririnig. totoo, parang iba ang pakiramdam ko pag may naririnig akong nagmumura ng ganito. alam ko na sa kalooblooban ko, may isang takot na bagyang nakakalabit at naaalimpungatan. balewala sakin ang "putanginamo", ang "tarantadokanghayupka", ang "ampangetmomukakangkulugo", o ang "kinginakanggagokanganimalka".. hay! baleawala sakin lahat ng ito wag lang ang "PUNYETA" (kita mo nanginginig ako habang sinusulat ko an "PUNYETA") punyeta talaga.. punyeta.. (umeeko-eko pa.) punyeta--tahh-tahh-tahhh!
perfectionist ang tatay ko. ayaw nya yun may mali kang ginagawa kahit simple lang. dati ayaw na ayaw ko ang may pinapabili siya sa kin. hindi sa dahil suwail akong anak o dahil bising-busy ako sa panood ng astroboy. pero dahil natatakot ako. pag inutusan ka ng tatay ko bawal mong makalimutan kung ano ang pinabibili nya sayo, at bawal ang babalik ka ng bahay at sasabihin mo "deh, ano nga ba yung bibilin ko?".. dahil pag nakalimutan mo at umuwi kang walang dala, aasahan mong maririnig mo ang mahiwagang "PUNYETA" na naka package deal ang lahat ng murang naimbento sa mga panahon na iyon. at kung suswertihin ka pa, may maririnig ka pang freshly from the oven..
sariwang sariwa pa sa aking alaala, nuong malapit na akong pumasok ng kindergarten, 4 na taon pa lang siguro ako nuon (labing apat na taon na ang nakalilipas mula ngayon, bale 18 na pala ako ngayon.. ) tinuturuan niya akong magbasa gamit ang pamosong ABAKADA. hinding hindi ko makakalimutan ang mga linyang nagbigay sa akin ng karanasang hindi ko makakalimutan kailanman, ate Charo..--- (chininininiiiinnggggg---flashback---)
...
ako:SIsiii-NnnOnO-a-ANG-U-ngU-u-u-MU-mu-bbb-BO-??? (kinakabahan)
adriano: (medyo malambing na tono) ulitin mo anak..
ako: si-si-nnno-a-ah-ang-ngu-u-mu-bo?
tatayko: (medyo malambing na tono) sige tama anak.. bilisan mo ang pagbasa..
ako: (medyo naeexcite) si-si-no-ang-u-mu-boh!
tatayko: bilisan mo ang pagbasa anak. ung mabilis.
ako: siii-nooo-ang-u-muuu-bo!
tatayko: (medyo naiirita na) bilisan mo nga anak ang pagbasa..
ako: (medyo kinakabahan na) si-no-ang-uuuu-mu-bo?!
tatayko: (iritado na) bilisan mo sabi ang pagbasa!! punyeta!
ako: (naiihi na ko sa salawal) si-no-ang-u-mu-bo?
PAKKKKK!!!
(toooooootttttt... ang mga sumunod na pangyayari ay sadyang tinanggal upang mapangalagaan ang may-akda..)
------------------------
hindi nyo na nanaisin pang marinig ang susunod na mga pangyayari. ang masasabi ko lang nabasa ko naman ito ng dietso at mabilis pagkatapos namin magturuan mag-ama "sino ang umubo?.. sino ang umubo??.." nabasa ko na ito ng diretso at mabilis.. nakakatuwa.. at may bonus pa..--- buong araw kong narinig sa aking kaliwang tainga ang saliw ng nag-sign-off na channel 2.
minsan nga isang araw pabiro akong tinanog ng aking nakababatang kapatid.. "kuya, hulaan mo ano ang bisyo ni daddy?" palibhasa alam ko namang wala na itong bisyo simula ng tumigil ito sa paghithit ng malboro. ang sabi ko sa kapatid ko, "WALA.." pero natawa lang ang iba ko pang kapatid sa sagot ko.. kanina pa pala sila nagbibiruan, sunod sabi nito sa akin.. "meron kuya!" sabay tawa. ako naman ay natatwa na rin pero nagiisip kung ano kaya iyon.. sigurado kalokohan na naman.. palibhasa kaming lahat ay puro katarantaduhan ang nalalaman. tinanong ko siya, "ano?".. sabay tawang sagot nito sa akin.. "magmura! punyeta! kingina! hindot! @#it%$^--*@$>< hayup!"..
natawa ako sa joke na yon. natawa talaga ako.
pag minura ka ng tatay ko, mas nanaisin mo na lang na maging isang butlig. butlig..
kagabi, nabalot ng tensyon at katahimikan ang buong bahay namin. tumawag kasi ang tatay namin at galit na galit. binagsak kasi ng isang propesor ang kapatid ko sa microbiology. nag long distance pa si erpat para mangamusta lang. normal lang ito sa kanya, lagi itong masayang tumatawag sa bahay maliban lang kagabi. kahit sa telepono ramdam na ramdam mo ang pagiging dominante ng aking tatay. natuyo ang lahat ng pwedeng manuyo sa akin habang nakikinig ako sa smorgasbord na murang pinagtahi tahi nya. kung tutuusin mas malaki ako ng di hamak sa aking tatay. kung tutuusin dapat kaya ko na siyang pagbuhol-buhulin ng kahit sampung beses.. pero kagabi, wala na lang akong ibang nasabi sa mahigit sampung minuto naming pag-uusap kundi, "oo deh, sige po.."
pero..
pero.. hndi naman ganoon kasama ang aking tatay. sa totoo.. hindi naman siya naging masamang tatay. hindi ito nagkulang kahit kailan. sadyang istrikto at madisiplina lamang talaga siya. pero kung iisipin, nagbago na nga siya, matagal na simula nung lumipad siya patungo sa bayan ng disyerto. liban na lamang kagabi, na tila nagbalik ang isang halimaw ng nakaraan. parang patay na nabuhay. tumor na bumalik. Toguro na nabuhay upang resbakan si Eugene. parang si Cherrie Gil na muling simikat upang tapunan muli si Sharon ng champagne sa mukha. siguro disappointed lang siya sa mga nangyayari. hindi ko siya masisisi. dalawampiung taon na rin siyang nasa saudi. naranasan na nya ang mabomba at manood ng bomba (uy! iba un ah). buti nga't hindi pa siya nahahawa sa amoy ng mga arabo.
minsan nga parang gusto kausapin ang erpat ko. tapos ganito sasabihin ko..-- "deh sorry sa lahat. sa mga disappointments. pasensya ka na, hindi ko masuklian un sakripisyong ginagawa mo para sa akin.. para sa amin.. salamat sa lahat.."
kaya kung mababasa ito ng tatay ko. isa lang ang sasabihin ko..---
"deh, salamat sa lahat. pasensya ka na ha.."
(o nga pala. buhay pa ang aking itay. buhay na buhay.)
3 Comments:
hahahaha!
konklusyon:
epektib talaga ang dasal at mahal pa rin tayo ni Papa Jesus.. hehe..
pero oo nga, dahil don naging mas matatag tayo---
lalo na sa may bahaging puwitan.. haha.. :)
salamat sa pagdaan.. :)
By pilimon, at June 4, 2006 at 3:54 PM
mahal ka nyan. mahal tayo ng mga tatay natin. mejo di lang ganun kadaling ipakita. pagpasensyahan mo na. habang tumatanda tayo unti unti natin sila maiintindihan at unti unti din natin tinatanggap ang kanilang kabuuan. nung mga bata tayo lagi natin tingin sa kanila ay mga perpektong tao, habang namumulat tayo sa buhay, nalalaman natin na mga tao din sila. at lalo natin makikita kung gaano nila tayo kamahal.
and then we learn to release our grudges. and through them, we learn to be better fathers.
i like your entry.
By duke, at July 11, 2006 at 3:20 PM
uy! salamat sa magandang payo.. kaya naman ang tingin ko sa erpat ko ngayon ay isang inspirasyunal na tao.. :)
salamat sa pagdaan dok! :) kape ka muna jan..
By pilimon, at July 12, 2006 at 3:15 PM
Post a Comment
<< Home